Alam na ng nakararami na bago makasama sa cast ng Alakdana ay ilang beses ring nabigo si Alden sa kaniyang pag-aartista. Pero ano nga ba ang nagtulak sa binata na magpursige sa industriya kahit na paulit-ulit siya nitong tinanggihan? Ito ang kuwentong tatalakayin natin ngayong Sabado, ang kuwento ng buhay ni Alden Richards.
Mula pagkabata, nakita na ni Rosario Faulkerson na ina ni Alden na may kinabukasan ang anak sa mundo ng showbiz. Kaya sa murang edad pa lamang ay minumulat na ng ina ang anak sa mundong ito. Dinadala ang anak sa malls para, gaya ng mga iniidolo nilang mga artista, ay ma-discover rin ang batang Richard Faulkerson, Jr—na mas kilala na natin ngayon bilang Alden.
Sa pagtanda ni Alden, makikita na rin nito na bukod sa pag-aartista ay gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral—bagay na ikinatutuwa ng kaniyang ama. Para kasi kay Richard Faulkerson, Sr., mas may kinabukasan ang anak kung magtapos ito ng kolehiyo.
Magbabago lang ang takbo ng isip ni Alden nang isang araw ay isugod ang ina niya sa ospital. Malalaman ng pamilya ni Alden na may malalang sakit si Rosario, na lubos nilang alalahanin. Hihimukin ni Alden ang ina na magpakatatag at lumaban, na kaya pa nitong mabuhay. Sasabihin naman ng ina niya na gagawin niya ‘yun kung maibibigay ni Alden ang tangi niyang hiling—ang makita ang anak na isang ganap na artista. Ipapangako ito ni Alden sa ina.
Pero sa paglipas ng panahon ay magiging mailap kay Alden ang pangarap ng ina, at habang tumatagal ay humihina rin si Rosario. Unti-unti nang nauubos ang nalalabing buhay ni Rosario kapiling ang kaniyang pamilya. Magagawa ba ni Alden na tuparin ang pangako ng ina bago ito tuluyang mawala sa kaniya?
Ito ang kuwento ng buhay ni Alden Richards, na mapapanood ngayong Sabado sa Magpakailanman, sa mahusay na direksyon ni Gina Alajar; featuring Alden Richards as himself, with Jackielou Blanco and Mark Gil.