Ang mga ninong at ninang ang itinuturing na ikalawang magulang ng mga bata. Sakaling wala ang presensya ng mga magulang, sila ang inaasahang kukupkop at huhubog sa pagkatao ng kanilang inaanak. Ganoong na lang ang pagmamahal ni Chona Martinez sa kanyang inaanak na si Jessica. Sa tuwing wala ang mga magulang ni Jessica, si Chona ang tumatayong ina sa inaanak mula pa ng pagkabata niya. Kaya’t nanlumo na lang ang ninang nang magsumbong sa kanya ng inaanak na binubugaw siya ng kanyang sariling ina sa iba’t ibang lalaki. Lilipad papuntang Cebu ang hepe ng Public Attorney’s Office (PAO) at ang abogado ng masa na si Persida Acosta upang tutukan ang posibleng paglabag sa Child Abuse Act, at pagharapin ang nag-aakusa at inaakusahan sa unang anibersaryong handog ng Public Atorni ngayong Huwebes pagkatapos ng AKSYON JournalisMO sa TV5.
Makalipas makapag-areglo ng mahigit 100 kasong karamihan ay mula sa Mega Manila sa loob ng isang taong pag-ere, pupunta sa Cebu ang reality-based mediation on-air program ng NEWS5 upang mag-abot ng tulong legal sa mga Kapatid na Cebuano. Layon ng programang mas pabilisin ang gulong ng hustisya upang hindi na umaabot pa sa korte ang dalawang nag-uumpugang panig. Si Atty. Acosta ang magpapagitna upang magbigay-linaw sa nagkakalabuang-panig.
“Kakaibang kasiyahan ang dulot sa’kin ng Publi Atorni dahil kaisa ang programang ito sa layunin ng PAO na hangga’t maaari ay pag-ayusin ang gusot ng dalawang panig nang hindi na umaabot pa sa korte. Nandyan ang mga alternatibong pamamaraan tulad ng mediation, conciliation at arbitration. Pagkasimula pa lang ng programa linggo-linggo, malinaw na agad sa mga sangkot kung papaabutin pa ba sa asunto o handa silang mag-areglo,” ayon kay Atty. Acosta.
Bukod sa kaso ng child abuse, tututukan din ng Public Atorni ang tatlo pang kaso sa Cebu; kabilang na ang kasong sangkot ang matalik na magkaibigang sina ‘Ruffa’ at ‘Angel.’ Sinubok na ng iba’t ibang isyu at panahon ang samahan ng dalawa. Pero nang dahil sa pagkawala ng isang make-up kit, nagbabadya ng lamat ang dati’y hindi matatawarang pagkakaibigan.
Naghatid din ng free legal clinic sa Cebu ang mediation on-air kasama ang NEWS5 senior reporter na si Ina Zara at AKSYON Bisaya co-anchor na si Lanne Sino Cruz.
Alamin ang mga karapatan ayon sa batas tuwing Huwebes sa Public Atorni. Pakatutukan ang two-part anniversary special ng programa sa magkasunod na Huwebes (Setyembre 15 at 22) pagkatapos ng AKSYON JournalisMO sa TV5. Abangan din ang kumpleto at mas maagang mga episode ng mga public affairs program ng NEWS5 mula Lunes hanggang Biyernes, 8:30-9:30pm sa 24/7 news channel ng TV5, ang Aksyon TV (Channel 41 sa Mega Manila, Channel 29 sa Metro Cebu at Davao, Channel 1 sa Cignal Digital TV at Channel 59 sa Sky Cable).