NAMAHAGI ng mga construction materials ang butihing lingkod-bayan na si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa mga pamilyang nawalan ng tirahan sa Catanduanes bunsod ng matinding pananalanta ng bagyong Pepito sa lalawigan isang linggo na ang nakaraan.
Tig-limang daang piraso ng yero at plywood ang inihandog ni Revilla sa kanyang mga kababayan mula sa mga bayan ng Pandan at Caramoran.
Sinamahan si Revilla nina TGP Partylist Rep. Jose “Bong” Teves Jr., Gov. Joseph Cua, Vice Gov. Peter Cua, Pandan Mayor Raul Tabirara at Caramoran Mayor Glenda Aguilar.
“Ngayong araw, mayroon po kaming handog na mga yero at plywood sa inyo upang maitayo niyong muli ang inyong mga bahay! Sana po ay makatulong ito sa inyo sa pagsisimulang sumubok muli at tumayo sa ating mga paa. Tandaan niyo po. Lahat tayo dumadaan sa pagsubok. Malaking dagok man sa buhay ang sinusuong natin ngayon, ang mahalaga ay patuloy tayong bumabangon,” pananalita ni Revilla sa kanyang mga kababayan sa Catanduanes.