Marami ang napahanga sa naging pagganap ni Angelu De Leon bilang si Carmela Borromeo sa Pulang Araw, na siyang nanay ni Teresita (Sanya Lopez) at nagpahirap sa magkapatid na Adelina (Barbie Forteza) at Eduardo (Alden Richards). At kamakailan nga ay pumanaw na ang karakter niya sa nasabing Kapuso show.
Puno naman ng pasasalamat si Angelu na mapabilang sa Pulang Araw. “Carmela Borromeo signing off. Taos pusong pasasalamat at paghanga sa lahat lahat ng bumubuo ng Pulang Araw. Maraming salamat at pinagkatiwala ninyo po sa akin ang karakter ni Carmela Borromeo,” post ni Angelu sa kanyang Facebook account.
Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga bumubuo sa programa at buong produksyon. Dagdag pa niya “Isang karangalan ang mapabilang sa Pulang Araw hindi lamang bilang isang artista kung hindi bilang isang Filipino. Nawa’y mahalin natin ang ating bansang Pilipinas.”
Patuloy na abangan ang mga maiinit na eksena sa Pulang Araw. Mapapanood ito gabi-gabi tuwing 8PM sa GMA Prime.