Labingdalawang taon na ang Nailandia na isang kilalang chain ng nail salon at foot spa na pag-aari ng mag-asawang Noreen Divina at Juncynth Divina.
Nagsimula ang Nailandia dahil na rin sa hilig ni Noreen na magpa-spa.
“So dati pag tumatawag yung husband ko, everytime tatawag ang husband ko, ‘Asan ka?’
“Tapos sasabihin ko, ‘Andito ako sa spa.’ ‘Andiyan ka na naman?’ “Nasa spa ka weekly.” “Ano kaya kung magtayo ka na ng sarili mo?’
“So parang may light bulb na lumabas sa ulo ko, ‘Oo nga naman, ano?’
“So ayun nag-aral ako, inaral ko lahat ng services. As in I know how to do all of them. Pag pumupunta ako ng mga franchise visit, kapag madaming mga clients tapos puno, tapos may waiting, hindi ko na papaalisin, ako na gagawa!”
Nag-aral raw si Noreen sa mga eskuwelahang may kinalaman sa mga serbisyo ng nail salon at foot spa.
“May course, iba-iba, pag sa nails ibang course yan, sa spa ibang course yan, sa massage ibang course yan, sa waxing, sa eyelash iba-iba, hindi lang siya isang buong course.”
Dito sa Pilipinas at sa abroad nagsanay si Noreen sa mga nabanggit na serbisyo.
“Dapat din pupunta ako sa California kaso yung teacher sa California siya na yung pumunta dito so suwerte naman na na-timing-an ko na pumunta yung teacher sa California dito sa Pilipinas so sa kanya ako nag-aral.”
One-on-one?
“Hindi may klase talaga siya.”
At sa kasalukuyan ay may mga branches/franchises na ang Nailandia sa Luzon, Visayas at Mindanao.
“And soon baka sa UAE or sa US,” pagbabahagi pa ni Noreen.
At ang latest, tatlong Sparkle/Kapuso female stars at Voltes V: Legacy cast members ang nag-franchise ng Nailandia mula kay Noreen; sina Elle Villanueva (bilang Eva Sanchez), Sophia Senoron (bilang Ally Chan) at Ysabel Ortega na gumaganap bilang Voltes V team member na si Jamie Robinson.
Paano ito nagsimula?
“Kumbaga sponsored na sila ng Nailandia, sponsors ng nails nila ang Nailandia. Kumbaga pag may events punta lang sila sa Nailandia.
“Nagustuhan nila ang magandang service ng Nailandia kaya one time nag-message sa amin si Sophia, si Sophia ang tulay, e. So sabi niya interested daw silang mag-franchise ng isang branch. Silang tatlo, sosyo.”
Bago matapos ang taong 2023 ay magbubukas na ang Nailandia branch nina Ysabel, Elle at Sophia sa Il Terrazzo sa Tomas Morato sa Quezon City.
Masayang-masaya si Noreen sa pagkakataong magkaroon ng business collaboration sa tatlong aktres dahil sikat na sikat ang Voltes V: Legacy at patuloy na nangunguna sa ratings game.
“Very thankful, grateful kay Lord!
“Thank You Lord talaga, wala lang akong masabi, thank You Lord talaga.”
Sa loob ng siyam na taon ay nag-iisang celebrity endorser ng Nailandia ang Primetime Queen ng GMA na si Marian Rivera.
Samantala ang industriya ng spa at wellness ang isa sa mga unang ipinasara at huling pinabuksan ng gobyerno sa kasagsagan ng pandemya na dulot ng COVID-19 na nagsimula noong March 2020.
“So nagsara kami mga one and a half years, on and off iyon.
“Di ba August nagluwag tapos by December nag-strict na naman sila.”
At naging mabuti naman ang puso nina Noreen at Juncynth sa mga panahong iyon…
“Hindi ko naman sinisigil ng royalty ang mga branches kapag sarado sila kasi nakakaawa din naman, ano?”
Sa kabutihang-palad, sa ngayon na maluwag na ang mga health protocols dahil sa mababang kaso na ng COVID-19 ay dagsa raw ang mga kliyente sa mga branches ng Nailandia.
“Ay naku sobra, napakalaking tulong sa amin lalo na sa mga franchisees kasi sa kanila talaga ako naaawa before na alam mo mababait sila kasi pag walang trabaho ang staff nila, they give rice, they give ayuda kahit walang kita.
“Binibigyan nila at nakakatuwa sila actually so napakabait nilang tao, lahat, yung parang pay forward, ang babait nila siguro dahil din napagbibigyan namin sila kung ano yung dapat i-impart din nila sa employees nila.
“And ito na nagluwag na, ay naku, dagsa, dagsa ang mga customers namin. Nasabik ang mga tao sa services namin, sobra,” ang masayang bulalas ni Noreen.