Patunay lang na ang Kapamilya Comedy ang siyang nanatiling hari sa larangan ng pagpapatawa sa telebisyon, wagi sa TV ratings ang pilot episode “TODA Max,” ang pinakbagong pang-pamilyang sitcom na pinagbibidahan nina “Idol” Robin Padilla, Prince of Comedy Vhong Navarro at Pokwang.
Ayon sa datos ng Kantar Media noong Nobyembre 5, Sabado, agad na nakakuha ang “TODA Max” ng 26.7% na TV ratings, laban sa 19.6% ng isang current affairs program at 8.2% na isa ding comedy show sa mga kalabang istasyon.
Tinanghal din ang “TODA Max” bilang pangalawa sa pinaka-pinapanood na programa sa buong bansa, kasunod ng “Maalaala Mo Kaya” (MMK) na nakakuha ng 29.3%. Kasunod ng “TODA Max” ang iba pang top-rating na programa ng Kapamilya network na “Junior Master Chef Pinoy Edition” (23.7) at “Wansapanataym” (20.7).
Walang mapagsidlan ng tuwa ang mga bidang aktor sa programa dahil sa tagumpay na tinamo. Ani Robin, maliban sa mga nakakatawang tagpo sa unang episode ng “TODA Max,” kinapulutan din ito ng aral kaya walang dudang pumatok sa panlasa ng mga Pilipino.
Ngayong Sabado sa “TODA Max,” magiging abala ang Super Tatay na si Tol (Robin) dahil sa pag-aasikaso ng paglipat ng kanyang mga anak na sina Sandy (Aaliyah Benisano) at Ronron (Izzy Canillo) sa bagong paaralan. Excited at kilig na kilig naman si Lady G (Pokwang) sa pagtulong kay Tol, lalo’t nais niyang mapalapit sa “sinasambang” lalaki.
Ang kasintahan naman ni Justin (Vhong) na si Isabel (Angel Locsin) ay maguguluhan dahil sa opportunidad na makapag-trabaho sa ibang bansa na darating sa kanya. Ayaw pa naman niyang mawalay kay Justin. Siyempre, to the rescue ang pinsan na si Tol para maayos ang relasyong ng dalawa. Ngunit, paano kung sa pagtulong ni Tol, siya pa ang mapasama?
Tungahayan ang “TODA Max,” pagkatapos ng “Maalaala Mo Kaya” sa ABS-CBN.