Isa na namang programang de-kalibre at pampamilya ang handog ng GMA Network sa patuloy nitong pamamayagpag sa Philippine TV. Sa August 15, mag-uumpisa na ang Pahiram Ng Isang Ina sa undefeated afternoon block ng GMA-7.
Ang Pahiram Ng Isang Ina ay tungkol sa buhay ni Emily, isang mabuti at matagumpay na negosyante. Sabik siyang magkaroon ng pamilya dahil siya ay lumaking ulila sa mga magulang. Subalit, dahil sa hindi magandang karanasan, hindi niya magawang magtiwala sa mga tao liban sa kanyang mga kasambahay.
Nang makilala ni Emily ang magkapatid na Berna at Andoy, nakaugnay siya sa mga ito dahil tulad niya ay ulila rin ang dalawa. Para naman sa magkapatid, si Emily na marahil ang sagot sa dasal nilang magkaroon ng ina.
Minsan, amy dumukot kay Emily at nalagay ang kanyang buhay sa panganib. Sina Berna at Andoy ang nakakita sa kanya at tumulong upang madala siya sa pagamutan. Dulto gn trauma sa nangyari, naging tulala si Emily at hindi makapagasalita. Palagi siyang dinadalaw ng magkapatid at hindi nila itinatanggi tuwing napagkakamalan silang anak ni Emily.
Nang malaman ni Andrea ang pagpapanggap na ito, sinuportahan pa niya sina Berna at Andoy. Umaasa siyang makakatulong ang pagmamahal ng dalawa sa paggaling ng kanyang pinsan.
Dahil sa kalagayan ni Emily, si Andrea muna ang namamahala sa negosyo at pag-aari nito. Labis ang malasakit niya kay Emily at madalas ay wala na siyang panahon para kay Ryan. Hinidi tuloy maiwasang isipin ng kanyang nobyo na isang hadlang si Emily sa kanilang pagmamahalan.
May hatid ding problema ang pagbabalik ng dating asawa ni Emily na si Johnny at ng anak nitong si Luke. Alam ni Johnny na napamahal na kay Emily ang kanyang anak at hindi sila papayag ng nobya nyang si Eloisa na makahati nito sa mana sina Berna at Andoy.
Sa paggaling ni Emily, kailangan niyang pumili kung sino ang kanyang pagkakatiwalaan. Tatanggapin ba niya ang pagmamahal nina Berna at Andoy o ang mapanlokong pagkalinga nina Johnny at Luke?
Samantala, patuloy naman ang pakikipagkumpitensya ni Ryan kay Emily para sa oras at atensyon ni Andrea. Maipaunawa kaya ni Andrea sa nobyo na kailangan siya ng kanyang pinsan? O tuluyan na lamang ba silang maghihiwalay ni Ryan?
Sa pagtutulungan nina Direktor Joel Lamangan at Head Writer Denoy Navarro-Punio, ipapakita ng Pahiram Ng Isang Ina na hindi kayang punan ng yaman ang kakulangan sa mahahalagang bagay tulad ng pamilya, pagmamahal at tiwala.