Nanguna ang Wil Time Bigtime sa lahat ng katapat nitong programa nitong Sabado (Agosto 13), ayon sa Nielsen Media Research. Nagtala ang programa ng bayan ng 6.5% AMR o 28.8% audience share sa MegaTam, kumpara sa 4.9% AMR (21.3% share) ng ABS-CBN at 5.8% AMR (25.3% share) ng GMA.
Ang Wil Time Bigtime din ang pinakatinutukang game-variety show noong Sabado sa buong bansa. Base sa nationwide urban TV ratings ng Nielsen noong Agosto 13, nagtala ng halos 2.7 milyong manunuod ang programa kumpara sa 2.1 milyong viewers ng The Price is Right ng ABS-CBN. Mas marami naman ng halos 400,000 viewers ang show nina Kuya Wil at Shalani sa Manny Many Prizes ng GMA na may mahigit 2.3 milyong viewers nationwide.
Ngunit sa kabila ng pamamayagpag sa ratings—at sa hindi na mabilang na kwento ng mga kababayang naibahagi sa kanyang mga programa noon at ngayon—hindi pa rin inaasahan ni Kuya Wil na iba pa rin ang epekto sa kanya ng kwento ng mag-asawang bulag na naging bisita nila sa Wil Time Bigtime kamakailan.
Mula pa sa Baguio, nagsilbing mata ng bulag na mag-asawa ang kanilang limang-taong anak upang makarating ng Maynila at mag-audition sa Wil Time Bigtime. Nagbunga naman ang hirap na pinagdaanan nila dahil maswerte napili si JR, isang blind massage, upang makasali sa Wil Time Bigtime segment kung saan mahigit P3.5 milyong papremyo ang naghihintay na mapanalunan.
Sa kanilang interview portion, naging bukas si Kuya Wil sa pag-hanga kay JR dahil hindi humihingi ng labis sa kanilang pangangailangan ang mag-asawa. Sa halip na P5,000, nakatanggap ng P37,000 mula kay Kuya Wil. “Kahit hindi na po ako manalo ngayon malaking tulong na po ‘to. Hindi ko na hangad na makuha ang jackpot,” ang maluha-luhang sabi ni JR. Gagawin daw niya itong puhunan sa pagba-buy-and-sell ng gulay sa Baguio.
Aminado naman si Kuya Wil na nagising siya sa natatanging karakter na ipinakita ng mag-anak. “Alam mo, JR, inspirasyon kayo sa’ming mga normal na tao. Inspirasyon kayo sa’min na minsan marami pang hinahangad sa buhay, marami pang hinihingi. Pero samantalang kayo simple lang,” ayon sa Wil Time Bigtime host. “Napakaswerte namin na naging bisita namin kayong lahat kasi namumulat kami kung gaano kahalaga ang tunay na pagmamahal sa kapwa.” Bukod sa P37,000 pera, nangako si Kuya Wil na ipahahatid niya ang mag-anak pabalik ng Baguio.