Sa Party Pilipinas, pagkatapos kumanta ni Jolina kasama ang kanyang loyal fans at co-hosts sa show na sina Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Jaya, Rachelle Ann Go, at Kyla, pati na ang mga kaibigan niya simula pa sa Ang TV days na sila Roselle Nava at Jan Marini, ay lumabas na sa stage si Mark.
Dito na inihayag ni Mark na si Jolina ang kanyang magiging “butihing maybahay.”
“Bago ang lahat, gusto kong magpasalamat kay Tito Jun at Tita Paulette [Jolina’s parents] dahil trinato nila akong part of the family. Maraming-maraming salamat po.
“Siyempre, sa parents ko rin, maraming-maraming salamat.
“Bago ang lahat, gusto kong mag-congratulate sa ‘yo [Jolina]. Talagang hindi po biro ang tumagal ng 21 years.
“Lalo na ang mga fans niya. Alam n’yo kung bakit. Alam n’yo kung bakit tumagal si Jolina ng 21 years.
“Congratulations, mahal. Alam mo na ako ang pinaka-proud sa ‘yo sa lahat.
“Alam ko na ang episode natin ngayon sa Party Pilipinas ay tungkol sa mga movies.
“Yung tunay na pag-ibig pala ay hindi lang nangyayari sa mga pelikula.
“At noong mga nakaraang linggo, dumating na po ang pinakamasayang araw sa buhay ko.
“At ang simula ng bagong bahagi ng buhay namin ni Jolina.
“Kaya sa unang pagkakataon, gusto ko pong ipakilala sa inyo ang akin pong magiging butihing…butihing maybahay.
“Ang tanging anghel na dumating sa buhay ko.
“Ang akin pong magiging asawa—si Jolina Magdangal.”
Dito ay hindi na napigilan ng mga tao sa loob ng studio—hosts, staff, at audience—na maging emosyunal dahil sa mga binitiwang salita ni Mark.
Kitang-kita rin sa mukha ni Mark at sa kanyang mga pahayag kung gaano niya ipinagmamalaki at kung gaano niya kamahal ang girlfriend.