Kabilang ang batikang komedyana na si Nova Villa sa mga makakasama sa Nita Negrita, ang bagong teledrama ng GMA 7 na pagbibidahan ng Tween Queen na si Barbie Forteza.
Mula sa kanyang guest appearance sa Jillian: Namamasko Po, nagtuloy-tuloy na si Tita Nova sa kanyang pagiging Kapuso, ayon kay entertainment reporter Audrey Carampel.
“Bagong daigdig ito, bagong mundo for me…and I can see (na) I’m very much welcome dito sa Channel 7. I’m very happy,” pahayag ng veteran comedienne sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules.
Kasama rin sa Nita Negrita na magsisimula sa Feb 14, ang nagbabalik Kapuso na si Diana Zubiri, si Lexi Fernandez, Bubbles Paraiso, at ang talented singer na si Rachel Ann Go.
Itinuturing bagong challenge kay Barbie ang Nita Negrita dahil kailangan siyang paitimin dito. Anak ng isang African-American ang role na gagampanan ng tween star sa naturang project.
“Isang matugong make-upan pero kakayanin naman po. Tsaka kailangan ko rin pong magtraining ng gymnastics,” kuwento ni Barbie.
Muli namang makakasama ni Barbie ang kanyang ka-love team na si Joshua Dionisio. Pero hindi katulad ng ibang projects na pinagsamahan nila, wala raw “kilig factor” na mangyayari sa Nita Negrita.
“Paiba-iba naman yung story namin kaya hindi naman laging love story para hindi sila magsawa,” pahayag ni Joshua.
“Wala pong kilig na mangyayari, talagang friends lang kami,” dugtong ni Barbie. –