Muling patutunayan ni Barbie Forteza ang husay niya sa drama, sa bagong papel bilang si Nita Negrita.
Siyempre, si Joshua Dionisio pa rin ang kapareha niya, kasama si Lexi Fernandez.
Gaganap bilang tagapagtanggol ni Nita si Joshua habang magsisilbing kontrabida si Lexi. Iikot ang kwento sa makulay na buhay ni Nita, isang batang ipinanganak na may dugong Pilipino at African American. Dahil sa kanyang maitim na kulay, madalas tuksuhin si Nita ng ibang bata sa bahay-ampunan kung saan siya lumaki.
Subalit sa gitna ng mga pagsubok at panunukso na ibinabato sa kanya, mananatili pa ring busilak ang kalooban ni Nita, patunay na ang kagandahan ay ‘di nasusukat sa panlabas na kaanyuan.
Mapapanood na ang Nita Negrita simula sa Feb. 14.