Nagsimula nang mag-taping si Kris Bernal sa telefantasyang Machete kagabi.
Bago siya tumuloy roon, nag-farewell presscon si Kris para sa Koreana.
Kinakabahan daw si Kris dahil hindi raw niya alam kung ano ang pagtanggap sa kanya sa pagpasok niya sa Machete.
“Ngayon ko lang kasi sila makakatrabaho kaya hindi ko alam kung mae-excite ba ako, pero mas kabado ako,” pahayag ni Kris.
Bukod kay Aljur, si Ryza Cenon ang nakatrabaho niya dati. First time daw niyang makakatrabaho si Bela Padilla at ang production staff ng Machete.
Nagkausap sila ni Aljur at natutuwa ito sa pagkakasali ni Kris sa Machete.
“Dati kasi, binibiro ko pa si Aljur na ‘ipasok mo naman ako diyan sa Machete, matatapos na ang Koreana, wala na akong show’. Iyun pala, tatawagan ako, kasali pala ako,” natatawang kuwento ni Kris.
May dagdag na pressure kay Kris dahil sinasabi ng karamihan na kaya siya isinali sa Machete para makatulong siya sa ratings ng telefantasya.
“Mataas naman ang rating, ah?” pakli ni Kris. “Medyo nakaka-pressure lang kasi, paano kung hindi naman ako makakatulong, baka mawalan pa ako ng show.”
Ipinagtanggol din ni Kris si Aljur sa mga tumitira sa ‘wooden acting’ ng huli.
“Hindi naman po. Siyempre, hindi rin daw ganu’n kadali kay Aljur na gampanan ang ganung role, kaya nalulungkot siya kapag nakakarinig ng mga ganu’n.
“Ang importante, ginawa niya ang best niya. Kung medyo kulang pa, puwede pa naman ma-improve ‘yun. Pero kaya naman ni Aljur ‘yun, eh,” pahayag ni Kris.