Mas pinaganda at mas exciting na tsikahan ang mapapanood sa pagpapatuloy ng Full Time Moms nina Christine Jacob-Sandejas at Suzi Entrata-Abrera ngayong Lunes, Feb. 28, sa bagong GMA News TV!
Sa bagong opening billboard ng programa, mapapanood sina Christine at Suzi kasama ang mga ina mula sa iba’t ibang propesyon – doktor, cook, security personnel, at iba pa – pati na ang iba pa nilang roles bilang mga babae.
Bukod sa bagong look ng Full Time Moms, siguradong aabangan din ng mga manonood ang mga bagong episode nito na ginawang mas nakakaaliw at exciting.
Sa Lunes, ikukuwento nina Sheryl Cruz, Angelika Dela Cruz, at JC Tiuseco ang mga heartbreaking experience nila – break up, nahintong career, at biglaang trahedya — at kung paano nila nalagpasan ang mga ito ng may positive attitude.
Susubukan namang makipagsabayan nina Suzi at Christine kina Ciara Sotto, Geleen Eugenio, at Sexbomb girls Mhyca at Louise sa paghataw ng mga sikat na dance moves sa Martes (Mar. 1).
Mga batikang pulitiko at government officials ang bibisita sa Full Time Moms sa Miyerkules para ipakita ang kanilang personal side na bihirang mapanood sa TV.
Isang nakakaiyak na episode naman ang mapapanood sa Huwebes, aalamin nina Suzi at Christine mula sa kanilang guests na sina Ali Sotto, Gina de Venecia, at Mark Herras ang kanilang pinagdaanan sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay at ang mga coping mechanisms na nakatulong sa kanila.
At sa Biyernes, sina Love Añover, Pekto, at Julio Diaz naman ang bibida para ikuwento ang kanilang ’di malilimutang work experiences.
Ang Full Time Moms ay sa ilalim ng direksiyon ni Bibeth Orteza-Sigiuon Reyna, mapapanood simula Lunes hanggang Biyernes, 5:00 p.m., sa bagong GMA News TV.