Ang pinakaprestihiyosong beauty pageant at ang kasalukuyang “pinakamagandang babae” sa bansa ay mapapanood na sa ABS-CBN.
Pumirma nitong Biyernes (Jan. 14) ang Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ng limang taong kontrata sa ABS-CBN para sa pagpapalabas ng beauty pageant habang inanunsyo naman ang pagpasok ni 2010 Miss Universe Runner-up Maria Venus Raj bilang pinakabangong Kapamilya artist.
Dumalo sa contract signing sina ABS-CBN President and COO Charo Santos-Concio, ABS-CBN Channel Head Cory Vidanes, at ABS-CBN Head of TV Entertainment Production Head Linggit Tan para pormal na salubungin ang mga bagong Kapamilya sa pangunguna ni BPCI Chairperson Stella Marquez-Araneta.
Hindi maitago ang galak ni Venus Raj, na napanood na sa mga ABS-CBN shows at events tulad ng ABS-CBN Christmas Special at Showtime, ang kanyang pagsabak sa showbiz sa ABS-CBN.
“I’m extremely honored to become part of the country’s biggest network. I’m proud to be a Kapamilya,” sabi ni Venus.
Kaugnay naman ng pagtutulungang ito, sa ABS-CBN na mapapanood ang pinakahihintay na 2011 Binibining Pilipinas pageant sa Marso, na ipalalabas din sa buong mundo sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC).
Ang Kapamilya director na si Johnny Manahan ang mamumuno sa grandiosong event na ito sa tulong ng tinitingalang ABS-CBN Special Projects team sa pangunguna ni Chit Guerrero.
Bilang nangungunang beauty pageant ng bansa, sinala ng BPCI ang aabot sa 90 na Pilipina mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas para piliin ang 24 na natatanging kandidata na maglalaban para sa pagkakataong mairepresenta ang bansa sa international beauty pageants tulad ng Miss International, Miss World, at Miss Universe.
Sa nakalipas na tatlong taon, sa ABS-CBN pinagkatiwala ang pagsasahimpapawid ng pinakamaganda at glamorosong gabi sa mundo, ang Miss Universe pageant. At sa Setyember, sa Kapamilya network mapapanood ang 2011 Miss Universe pageant na gaganapin sa Sao Paolo, Brazil.