Masama ang loob ng mga Wow FM sa pag-alis bigla ng radio anchor nilang si Laila Chikadora. Nagbukas na kasi ng bagong FM radio ang TV5 at kaagad na lumipat doon si Laila Chikadora. Kasisimula lamang ni Laila sa Wow FM radio pero pumasok din siyang showbiz reporter ng news ng TV5.
Ngayong may radio station na rin ang Singko, lumipat na rin siya roon at noong Biyernes lang daw ito nagpaalam sa Wow FM. Kinalunesan, may radio program na siya sa bagong FM radio ng TV5 at iniwan na sa ere ang Wow FM.
May kontrata raw si Laila sa Wow FM at hindi pa ito tapos kaya puwede siyang habulin ng iniwang istasyon pero hinayaan na lang nila ito. Wala raw balak ang mga taga-Wow FM na habulin pa ito. Hindi naman nila kinuha si Laila, kundi personal itong nagprisinta at nagmakaawang kunin siya, at meron daw silang makukuhang kapalit na maaring mas okay pa sa kanya.
Nagulat lang daw sila na basta na lang sila iniwan na last minute lang ang paalam at hindi man lang binigyan ng pagkakataong makapaghanap ng ipapalit sa nabakanteng programa.