Nagulat ang buong staff ng Party Pilipinas nang maagang dumating si Janno Gibbs para makapag-rehearse.
Tuwang-tuwa raw ang lahat dahil parang may milagrong nangyari nang dumating nang maaga ang singer/TV host at ang bilis daw nitong nakapag-rehearse.
Ngayon lang daw ito nangyari kaya sana tuluy-tuloy na raw ito.
Napabalita noon na dumadaan nga raw sa matinding depression si Janno kaya hindi na raw ito lumalabas ng bahay. Lagi lang daw itong nasa kuwarto kaya nahihirapan na rin daw ang mga taga-Party Pilipinas kung darating ba ito o hindi.
Dati kasi ay nali-late lang ito nang dating, pero nitong mga nagdaang araw, hindi na talaga sumisipot.
Pero kakaibang Janno ang dumating kahapon at mukhang tutuparin na raw nito ang pangako niyang magbabago na siya at itutuluy-tuloy na niya ang pagdating nang maaga at magpaka-active sa trabaho.
Isa sa mga malalapit na kaibigan ni Janno ay si Ogie Alcasid at tuwing ini-interview ito tungkol sa kaibigan niya, lagi niyang itong ipinagtatanggol.
Wala naman daw ganung problema si Janno at meron nga raw itong participation sa kasal niya. Naniniwala raw siyang hindi mali-late si Janno sa kanyang kasal.
Sana nga tuluy-tuloy na itong pagbabago ni Janno at hindi na maulit ang dating ugali niya sa trabaho.