Kasama dapat si TJ Trinidad sa regional promotions ng cast ng Beauty Queen kahapon sa Davao, pero may sakit ang aktor, kaya nag-beg-off siya.
May taping din kasi mamaya si TJ para sa Beauty Queen at mas mahirap kung mabibinat siya at hindi makakapag-taping para sa bagong teleserye ng GMA 7.
Isa pa ay may big promotions sila bukas sa Party Pilipinas at kailangan doon si TJ, kaya pinayagan siya ng production staff na huwag nang sumama sa Davao. Excited si TJ na after Pilyang Kerubin ay may regular teleserye na naman siya sa Siyete.
Masaya rin siya na nagustuhan ang team-up nila ni Iza sa guesting nila kamakailan sa Pilyang Kerubin, kaya naisipan ng big bosses ng Kapuso network na gawin silang magkapareha sa Beauty Queen.
“The first time na nag-story conference kami, dapat afternoon series itong Beauty Queen, pero biglang nag-decide ang GMA 7 management na gawin na itong primetime, kaya mas maganda,” sabi ni TJ.
Dahil sa Beauty Queen, hindi natuloy ang request ni Regine Velasquez na maging magkapareha sila ni TJ sa I ♥ You, Pare na next teleserye ng Asia’s Songbird, pero sabi naman ng binata, in the future ay umaasa pa rin siyang magkakaroon sila ng teleserye together ni Regine.