Isinugod sa ospital si Glaiza de Castro kahapon ng madaling araw dahil hindi na naman makahinga pagkatapos gawin ang heavy drama scenes sa Grazilda na kinunan sa Jones Bridge sa Sta. Cruz, Manila.
Pagkatapos nang matinding pag-iyak ni Glaiza, nahirapan na siyang pakalmahin at kinailangang isugod ng mga staff ng Grazilda sa Manila Doctor’s Hospital para pakalmahin thru tranquillizer.
Pangalawang beses na itong nangyari kay Glaiza. Una’y nu’ng maging pangunahing kontrabida sa Stairway to Heaven.
Grabe rin kasi ang drama scenes ni Glaiza sa soap na pinagbidahan nina Dingdong Dantes at Rhian Ramos.
Sabi ng source, buti naman tinanggap agad ng katawan ni Glaiza ang medication hanggang nakatulog ito.
Normal na ulit ang katawan ng dalaga kaya nag-report ulit sa taping ng Grazilda dahil may naputol ang eksena na dapat gawin agad dahil walang ipalalabas sa next day airing.
Ang eksenang kinunan ay ang wedding scene nila ni Eric, role na ginagampanan ni Geoff Eigenmann.