BONGGA ang line-up ng Primetime Bida ng ABS-CBN, huh?! Namaalam na si Rubi, rumampa na ang Magkaribal, nahanap na ang Noah at binuksan na ang mga pahina ng Kristine pero hindi pa rin makapalag ang Kapuso at Kapatid Networks!
Dala na rin siguro sa magandang istorya, production value at de kalibreng cast members kaya namamayagpag ang primetime programs ng Kapamilya Network.
Ang pag-ariba ng kanilang mga programa ay nag-uudyok sa advertisers na patuloy na maglagay ng commercials sa kanilang program block.
Chika ng isang insider, full load pa rin ang ABS-CBN sa mga patalastas. Maging sa Music Uplate Live ay may nais pang maglagay ng ads.
Ilan sa mga ito ay kinailangang tanggihan ng ABS-CBN dahil hindi na ma-accommodate at kailangan nilang sumunod sa limit na itinalaga ng KBP.
Kabilang sa nagdadala ng tagumpay sa primetime block ng ABS-CBN ang news program na TV Patrol na mas kapani-paniwala pa rin sa mas maraming Pilipino.
Noong Lunes ay pumalo sa rating na 41.8% ang programa, ayon sa Kantar Media, dala ng coverage nito sa hostage-taking incident sa Quirino Grandstand.
Maraming pagbabago na pinagdaraanan ang morning at afternoon block ng ABS-CBN pero tila umaayon na sa Kapamilya ang kapalaran sa mga nakaraang araw.
Patuloy na lumalakas ang Kapamilya Blockbusters sa umaga na sinusundan ng bagong pananghalian ng bayan na Showtime na patuloy ring tumataas ang ratings.