Excited na raw si Richard Gutierrez na maging host ng Survivor Philippines: Celebrity Edition. At dahil mahigit isang buwan na maglalagi sa isang isla, inamin ng aktor na marami siyang mami-miss.
Sa panayam ni entertainment reporter Lhar Santiago, sinabi ni Richard na inihanda na niya ang sarili sa bago niyang proyekto sa Kapuso Network bilang host ng sikat na reality show.
Bukod sa paghahanda psychically at mentally, pati ang mga gamit na dadalhin niya in case na magkaroon ng emergency sa isla na pupuntahan ay nakahanda na rin umano nito.
Nakita na rin daw ng aktor ang listahan ng mga celebrity na kasali at nagulat daw si Richard.
Kasi may mga castaways na nakatrabho ko na, may mga castaways din na kaibigan ko. Pero number 1 rule as Survivor host, hindi ako puwedeng makipagkwentuhan sa kanila, hindi ko sila puwedeng kausapin,” pahayag ni Richard sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes.
At dahil matagal na mawawala, marami raw mami-miss ang aktor at isa na rito si Jewel Mische na sinasabing girlfriend ni Richard.
Bagaman walang itinanggi si Richard tungkol sa kanila ni Jewel, sinabi ng aktor na hindi na dapat palakahin ang isyu dahil ayaw niyang maging “showbiz” ang kanyang personal na buhay.
“I’m doing my job, what’s personal is personal. Yun na lang naiwan sa akin ‘wag na natin palakihin,” pakiusap niya. – FRJimenez, GMANews.TV