Alas-singko kahapon, December 6, nagpangkita pa kami ng ikatlong StarStruck Male Survivor at kaisa-isang StarStruck Sole Survivor na si Marky Cielo sa Station 168 Internet Café sa Tomas Morato. Nakakahiligan kasi ng young actor nitong mga huling buwan ang larong SF or Special Forces, isang war-type online game.
Naengganyo siyang maglaro nito ng kapwa StarStruck Male Survivors niyang sina Mark Herras (Batch 1) at Mike Tan (Batch 2). In turn, siya naman ang nagturo ng laro sa StarStruck 4 Avenger na si Paolo Avelino.
Dahil sa paglalaro ng SF, madalas na naming nakikitang mag-isang pumupunta si Marky sa Station 168, na hindi na kasama ang kanilang “tatay” sa StarStruck na si Rommel Gacho, na siya ring tumatayong manager niya kasama ng GMA Artist Center.
Kahapon nga, biniro pa namin si Marky dahil unang beses namin siyang nakitang naka-shorts. Nagtanong pa si Marky kung sino ang mga darating na ka-SF or ka-StarStruck niya bago ito bumalik sa kanyang seat, sa #1.
Alas-diyes ng gabi nag-time out si Marky. Sa unang pagkakataon na tuwing nagkikita kami sa Station 168, nagpaalam siya sa amin. Palagi lang siyang dumadaan sa aming seat kapag parating siya o nakita niya kami ngunit hindi siya kailanman nagpapaalam dahil bilang artista, hindi niya hawak ang oras niya at puwede siyang on-call.
Alas-tres ng hapon kanina, December 7, nagsunud-sunod na ang text at tawag na natanggap namin mula sa mga kasamahan namin sa panulat. Namatay na nga raw si Marky, ang “Mountain Province Boy”—proud siya sa kanyang roots dahil ang pangalan niya sa SF ay “Igorot”—sa bahay nito sa Antipolo.
Bangungot ang balitang ikinamatay ni Marky, sa murang edad na 20.
Balitang dadalhin sa Benguet ang bangkay ni Marky.
1 Comment
Goodbye Marky!