Sa November 3 ay 55-years old na si Vilma Santos-Recto pero ayon sa kanya ay wala pang plano sa ngayon kung magkakaroon siya nang party. “Ako naman kasi every time na magbi-birthday ay walang plano. Basta ang gusto ko yung mismong araw nang birthday ko ay kasama ko yung mga taong mahal ko, partikular na ang mga anak ko at si Ralph (Recto).”
Ayon pa rin kay Ate Vi—na aming nakausap sa kanyang tanggapan sa Kapitolyo ng Batangas, hindi pa siya nakukuntento sa kanyang mga nagawa sa nasabing lalawigan dahil magdadalawang taon pa lamang siyang nakakapagsilbi bilang Gobernador. Ang Star For All Seasons ay nanalo bilang Gobernador ng Batangas noong May 21, 2007 kung saan ay natalo niya ang reelectionist na si Armando Sanchez, ang retired General na si Nestor Senares at si Marcos Madares. Ngayon naman ay umuugong ang balita na tatakbo siya bilang Vice President sa 2010 election.
“Wala akong political agenda or political ambition at all. Marami lang ang nagsasabi ng ganyan pero sa totoo lang, kung tatanungin ninyo ang focus ko ay Batangas. Nagsisimula pa lang ako. I’ve been serving Batangas for one year and three months pa lang wala pa ako masyadong nagagawa. Nagiging isyu lang yang tatakbo ako ng Senador or Vice President pero honestly wala, walang wala sa utak ko ang tumakbo for a higher posisyon kasi marami pa akong dapat gawin sa Batangas at hindi ko pa lubos na naibibigay sa mga kababayan ko ang aking mga ipinangako sa kanila.”
Kung naka-focus siya ngayon sa pagiging gobernador, paano naman kaya ang showbiz career niya? “Yun ang ipinaiintidi ko sa mga Vilmanians or sa publiko. Hindi sa ayaw kong gumawa ng pelikula actually nami-miss ko na talaga ang umarte sa kamera dahil alam naman nating iyan ang naging buhay ko for so long. Wala akong choice sa ngayon sa totoo lang kundi gawin ko kung anuman ang tungkulin ko dito sa Batangas. Dapat ito ang maging first priority ko kasi hindi biro ang maging isang public servant. So it’s a matter of priorities po. First my family, second being a public servant at medyo pang third na lang yung showbiz career.
“Pero may negotation na po with Star Cinema at tuloy na yung movie na pagsasamahan namin ni John Loyd Cruz. In fact, we’re planning to start shooting anytime in November pero parang December na yun kasi magre-resume din kami next year March or April dahil pupunta kami sa New York. More or less dapat kong matiyempuhan ang summer vacation ko para dun makapunta ako sa New York para sa movie namin ni John Loyd.” Sixty percent ng pelikula ay kukunan sa New York, kasama na din ang Manhattan at Boston.
“It’s a light comedy drama. Hindi ito yung tipong dramang-drama, maganda ito. Ito yung dating script na meron akong anak na bakla tapos si John Loyd ang boyfriend. Mamamatay yung anak ko then dahil mahal nung bakla kong anak si John Loyd, dun tatakbo ang kuwento namin.”
Sa unang plano ng Star Cinema ay dapat makakasama ni Ate Vi sina Diether Ocampo, Jororss Gamboa at Luis Manzano. “Hindi ko alam kung kasama pa sina Diether at Joross pero sa pagkakaalam ko inoffer kay Luis yung role na gay.”
Tatanggapin na ba ng anak niyang si Luis ang role ng bading? “Honestly, I don’t want to meddle kung ano ang magiging desisyon ng anak ko. Kasi very challenging ang role kahit sabihin pang mamamatay [ang character]. Pero ayokong sabihin kay Luis na, ‘Sige anak tanggapin mo.’ No, ayoko nung ganun. Gusto ko kung bukas sa loob ng anak ko na tanggapin ang role, why not? Actually excited akong makasama si Luis dahil hindi pa kami nagkakasama sa anumang project. Ang totoo nga niyan nung ininterbyu niya ako for E-live, e, ako ang kinabahan. Parang hindi ko maintindihan ang sarili ko nang iinterbyu na ako ng sarili kong anak.
“Hindi ko maimagine ang sarili ko kung ano ang magiging reaction ko kung magkaharap na kaming mag-ina at umaarte. Pero I’m looking forward to it. Malay mo maganda rin ang kalabasan ng chemistry naming mag-nanay kaya nga sabi ko gusto ko talagang makasama siya pero ayokong impluwensiyahan siya sa bawat desisyon na kanyang gagawin”
Kung wala siyang masasabi tungkol sa career ng anak, sa love life naman kaya? Ilang buwan na ring usap-usapan ang relasyong Luis at Angel Locsin. “Naku bigla akong napahinto o!” lang ang nasabi ni Ate Vi nang itanong sa kanya ang tungkol dito. “Ang alam ko, they’re happy. Masaya silang dalawa.”
Ipinasyal ba uli ni Luis si Angel sa bahay? “Ah, oo… Ay, naku ha.” Napatawa na lang si Ate Vi nang sagutin ang tanong na ito. Sa puntong iyon biglang nabago ang timbre ng boses ng Star For All Seasons. Parang biglang may iniwasan na hindi namin maintindihan. “Ang alam ko dumaan lang si Angel sa taping ni Luis. Galing siya nun sa Bukidnon. Then balik din agad si Angel sa taping naman nila ni Piolo (Pascual) dahil hindi pa tapos yung movie nila.”
Boto ba ang gobernador kay Angel? “Hindi naman sa boto but I like Angel. Mahirap yung boto. I like Angel very much. Gusto ko yung pagkatao niya, ang pagiging respectful niya at pagiging matapang din. At ang pinaka-importante kasi she is very mapagmahal sa kanyang pamilya. At iyon ang pinaka-importante sa isang tao. Yung marunong kang magmahal sa pamilya.”
Pagkatapos amining dalawang buwan ng nakalipas mula nung huling nakausap at nakwentuhan si Angel, napatawa na lang uli si Ate Vi. “Kapag si Angel ang napapag-usapan humihina ang boses ko o, ha!ha!ha!”