“Parang ang hirap naman na ngarag ako sa dalawa kong shows ‘tapos buntis pa ako saka kami magpapakasal. Pagkatapos na nito. Basta kasal na kami, yun ang importante. Hindi ako nagpakasal kasi nalaman kong buntis ako. Nagpakasal muna kami bago namin nalaman ng buntis nga ako,” says Angelika dela Cruz.
Tumawag kani-kanila lang, October 14, ang aktres si Angelika dela Cruz sa PEP (Philippine Entertainment Portal). Nagpasalamat siya sa naisulat namin tungkol sa pagpapakasal niya sa Huwes kay Orion Casareo noong August 19 sa Bicol at ang kanyang pagbubuntis sa una nilang anak.
Magaan na ang loob ni Angelika dahil hindi na niya kailangang magtago. Nagpapasalamat siya unang-una na sa GMA-7 dahil pinayagan pa rin siyang tapusin ang dalawa niyang soaps na Una Kang Naging Akin sa Dramarama sa Hapon at La Lola sa Telebabad block.
Ang una naming tanong sa kanya ay kung kailan ang church wedding nila ni Orion.
“Dapat ngayong December 4. Pero dahil pregnant na ako, baka next December 4 [2009] na,” sagot ni Angelika.
December 4 daw kasi ang anniversary date nila ni Orion kaya gusto nilang ikasal sa araw na rin na ito. Sa Tagaytay sila nagpaplanong magpakasal.
Tinanong namin si Angelika kung bakit sa Bicol sila nagpakasal civilly. Sinabi niya sa amin na “Bicolano si Ora [ang tawag ni Angelika sa kanyang mister].”
Hindi naman matandaan ni Angelika kung saang lugar sa Bicol sila nagpakasal.
“Alam mo, hindi ko na matandaan yung lugar. Ngarag talaga ako noon, happy na confused. Sabi niya, magpapakasal na kami. Tanong ko, ‘Saan?’ Sa Bicol daw. Yun na lang talaga ang natandaan ko!” sabay tawa niya.
Dahil na rin sa dalawa niyang shows sa Kapuso network at sa kanyang pagbubuntis, minabuti na nga nila na sa isang taon na magpakasal.
“Parang ang hirap naman na ngarag ako sa dalawa kong shows ‘tapos buntis pa ako saka kami magpapakasal. Pagkatapos na nito. Basta kasal na kami, yun ang importante. Hindi ako nagpakasal kasi nalaman kong buntis ako. Nagpakasal muna kami bago namin nalaman ng buntis nga ako,” saad ni Angelika.
Ikinagulat daw talaga ni Angelika na nagdadalang-tao na nga siya dahil wala siyang kakaibang nararamdaman.
“Pagod lang palagi, hirap gumising sa umaga. Ang inisiip ko lang, kasi nga dalawa ang trabaho ko kaya ako ganito kapagod,” sabi niya.
Dagdag pa niya, hindi pa nga raw siya naglilihi o baka hindi na siya talaga naglilihi.
Alam din daw ng kanyang ama na si Mr. Ernie dela Cruz ang pagpapakasal nila ni Orion sa Bicol. Tinanong namin si Angelika kung umiyak ang kanyang ama at oo raw, per, happy pa rin daw ito. Tanggap na raw ng pamilya niya ang pagpapakasal nila ni Orion.
Twenty-eight years old si Orion at magtu-27 naman sa October 29 si Angelika.