Buong bayan ang tumutok sa pagbubukas ng kwento ng Agua Bendita noong Lunes, February 8. Ang pilot episode ng pinakabagong teleserye ng ABS-CBN ay nakakuha ng 37.7% ayon sa national TV ratings ng TNS Media Research. Sa mga darating na episodes ay maraming pang kaabang abang na tagpo na dapat mapanood. Alamin ang mga mangyayaring magtatakda sa kapalaran ng mapaghimalang kambal na sina Agua at Bendita.
Bago ang pagsisimula ng Agua Bendita ay naganap ang nakakaantig na pagwawakas ng May Bukas Pa, ang inspiring teleserye na naging consistent top-rater sa loob ng nakaraang isang taon. Ang final episode ng May Bukas Pa noong February 5, na nagtampok sa mga guest appearances ng ilan sa mga bigating artista, ay nakakuha ng napakataas na 47.3% sa national TV ratings.